“HINAHAMON natin siya magpa-lie detector test na siya.”
Ito ang bwelta ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino sa Maserati owner na si Joseph Russell Ingco kasunod nang paglutang at pagbaligtad sa salaysay ng binugbog at kina-ladkad na traffic constable na si Jorbe Adriatico.
Inihayag ni Tolentino, mas pinaniniwalaan niya ang tauhang si Adriatico na sa loob ng anim taon serbisyo bilang traffic officer ay nananatiling malinis ang record.
“‘Yung element ng spontaneity, mas spontaneous po ‘yung sinabi ni traffic constable Adriatico, ibig sabihin po hindi po ‘yun rehearsed. Kakapangyari pa lang po (ng insidente) noong isinalaysay niya ‘yung event.”
“Mahigit isang araw pong nawala ‘yan (si Ingco) e may resources po ‘yan para mag-rehearse, kumausap nang dapat kausapin bukod sa abogado kaya nagtagal po ‘yan bago lumitaw e nakapaghanda po ng sa-sabihin.”
Aniya, tapos na ang usapan nang aminin ni Ingco na ilang beses ni-yang sinaktan si Adriatico.
“Ito pong kay Ginoong Ingco, mawalang galang na, inamin po naman niya na sinuntok niya e hindi isa, dalawa, tatlong beses so admission na po ‘yun e, admission na po ‘yun ng offense na sinapak niya talaga sa ilong, sa mukha itong kawawang traffic officer.”
Hindi niya pinaniniwalaan na si Ingco ang sinaktan ni Adriatico lalo’t ang nagalusan sa mukha at nabalian ng ilong ay si Adriatico.
Aniya, handa rin sumailalim sa lie detector test si Adriatico para mapatunayan na tama ang panig ng traffic enforcer.
Muling hirit ni Tolentino, humingi ng patawad sa pamilya ng enforcer ang negosyante.