NAG-ALOK ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng P100,000 pabuya sa positibong makapagtuturo sa sports car driver na nag-dirty finger, nagkaladkad at nagbugbog ng isang traffic enforcer sa Quezon City nitong Huwebes.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino, nais niya ang agarang pagresolba sa insidente lalo’t mag-uumpisa na ngayong Biyernes ang bagong mall hours sa Kamaynilaan.
Panawagan ni Tolentino kay Joseph Russel Ingco, suspek sa pagkaladkad at pagbugbog sa enforcer na si Jorby Adriatico, sumuko na lamang siya sa mga awtoridad.
Napag-alaman, negosyante ang may-ari ng asul na Maserati Ghibli at may-ari ng isang kompanya, may pag-aari ring fast-food chain.
“Malaking kontratista din pala ito eh at isang operator din pala ng isang transportation company at may himig kagabi na [nagsasabing] nagtatago sa Sta. Maria, Bulacan [si Ingco] at meron siyang isang malaking planta,” banggit ni Tolentino.
Ngunit hindi kinompirma ni Tolento ang mga ulat na kaibigan ng negosyanteng si Cedric Lee ang suspek o kung may mga koneksyon sa gobyerno.
Jaja Garcia