Kinondena ng Kilusan Kontra Katiwalian at Kabulukan (4K) si Comelec Chairman Sixto Brillantes sa pagsisinungaling sa budget hearing ng Kongreso na walang badyet ang ahensiya sa recall elections ng Puerto Princesa City sa Palawan pero may “savings” para makapag-down payment ng P250 milyon sa loteng pagtatayuan ng bagong gusali ng Comelec.
Ayon kay 4K Chairman Ronald Mendoza, malinaw na lumabag sa batas si Brillantes dahil re-alignment of budget ang down payment niya sa reclamation area sa Pasay City na hindi pinahintulutan ng Commission on Audit.
“Sa ilalim ng batas, puwede lamang ang re-alignment sa halagang P2.5 milyon pero hindi P250 milyon. Ang kaduda-duda, may savings ang Comelec sa lote pero walang budget sa recall elections na itinadhana ng batas,” paliwanag ni Mendoza. “Mismong ang Supreme Court ang nakakita ng kalokohan ni Brillantes kaya idineklarang nagkaroon ito ng abuse of discretion nang ipagpaliban ang recall elections sa Puerto Princesa sa kawalan ng pondo.”
Iginiit ni Mendoza na batid ni Brillantes ang mga batas lalo’t topnotcher sa Bar exam pero itinuloy pa rin ang pagbili sa nasabing lupa na nagkakahalaga ng P1.2 bilyon gayong mas maganda ang puwesto ng Comelec sa Intramuros at maayos pa naman ang makasaysayang Palacio del Gobernador.
Nag-akusa rin si Mendoza na nalagdaan ang absolute deed of sale sa lupang may sukat na 20,160 square meters at nagkakahalaga ng P1,209,600,000.00 noong Mayo 2, 2014 kaya nang pirmahan niya ito ay wala pa siyang “special authority to buy” mula sa Comelec En Banc.
“Para maging legal ang bentahan, nagpapirma pa si Brillantes sa mga kasamahang commissioners at ipina-antedate niya ito. Kung bakit inilihim niya sa mga kawani ng Comelec ang deed of absolute sale ay siya lamang ang nakaaaalam,” diin ni Mendoza. “Bakit hindi na lamang niya ito ipinaubaya sa susunod na pinuno ng Comelec gayong magreretiro na siya sa Pebrero sa susunod na taon?” (HNT)