UMABOT sa 70 kababaihang ibinubugaw sa isang KTV bar sa Pasay City, ang nasagip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ito’y kasunod ng joint entrapment at rescue operation ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ng Department of Justice (DoJ), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ilang non-government organizations sa nasabing bar.
Sa isinagawang operasyon, agad bumungad sa mga awtoridad ng mga babaeng nagsasayaw. Nang isa-isahin ang VIP rooms ay nakita ang ilang foreigner na may ka-table na babae.
Narekober sa ilang kwarto ang mga nagamit at naka-pakete pang condom habang natagpuan sa opisina ng bar ang kahon-kahon pang mga condom at lubricant.
Sa inisyal na impormasyon, bukod sa pag-aalok ng aliw ay may bold shows din dito at bar fines na maaaring ilabas ang mga babae sa halagang P8,000.
Napag-alaman ding may mga menor de edad na nagtatrabaho sa nasabing bar.
Sasailalim sa dental aging at counseling sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nasagip na mga babae.
Iniimbestigahan na ang posibleng sangkot sa human trafficking.
Sakaling mapatunayang may nilabag ang bar, maaari itong ipasara ng Department of Labor and Employment (DoLE).
Leonard Basilio