PASOK sa semifinals ang Philippine Azkals kahit ano ang maging resulta ng kanilang laro bukas laban sa Vietnam.
Kinaldag ng Pinoy Booters ang Indonesia noong Martes via 4-nil upang manguna sa Group A tangan ang 2-0 win-loss slate sa 10th ASEAN Football Federation (AFF) Suzuki Cup men’s football championship na ginaganap sa My Dinh National Stadium sa Hanoi City, Vietnam.
Pinagpag ng Azkals sa una nilang laro ang Laos, 4-0 noong Sabado.
Bumira ng goals sina Phil Younghusband sa penalty kick sa 16 minutes, Mike Ott sa 52nd mins., Martin Steuble sa 68th at Rob Gier sa 70th para sa Pilipinas upang kaldagin ang Indons via 4-nil at itarak ang pangatlong sunod na Final Four stint ng bansa sa torneo.
May anim na puntos na ang Phl. Azkals habang may tig-1 point pa lang ang Indons at Vietnamese matapos mauwi sa 2-all draw ang laban nila noong Nobyembre 22.
Bukod sa pagsampa sa semis ay matamis ang naging tagumpay ng Pilipinas sa Indonesia dahil nakasagot din sila ng panalo matapos ang limang kabiguan sa Indonesians.
Sumampa ang Azkals sa semifinals noong 2010 at 2012.
Noong 2010 naman sinalto ng Indons ang Azkals sa asam nilang sumipa sa Finals.
Pagkatapos ng laban ng Azkals sa Vietnamese, makakalaban ng mga Pinoy sa semis na lalarga sa Disyembre 6-11 ang isa sa top two finishers sa Group B na kinabibilangan ng reigning champs Singapore, Thailand, Myanmar at Malaysia.
(ARABELA PRINCESS DAWA)