UMABOT sa P1.2 milyong halaga ng substandard na Christmas lights ang dinurog ng Department of Trade and Industry (DTI) gamit ang backhoe.
Tinatayang mahigit 8,000 sets ito na nakompiska ng ahensiya sa iba’t ibang tindahan sa Metro Manila ngayong buwan.
Pinangunahan nina DTI Secretary Gregory Domingo at Senate Committee on Trade Chairperson Sen. Bam Aquino ang pagwasak sa Christmas lights.
Ang mga ito ay ‘uncertified’ o hindi dumaan sa DTI Bureau of Philippine Standards (BPS).
Walang Import Commodity Clearance (ICC) sticker ang karamihan sa mga ito habang ang ilan ay luma o invalid na ang stickers. Pinapayagan lang ibenta ang Christmas lights na may serial number na 2012 hanggang 2014.
Ayon kay Domingo, kinasuhan na ang importers at retailers ng mga illegal na Christmas lights at hindi na papayagang mag-import at magbenta muli dahil kanselado na ang ICC certification.
Pinagmulmulta rin ang apat na importers.