ITO ang pananaw ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) Party-list Rep. Antonio Tinio sa consolidated version ng Freedom on Information (FOI) Bill na inaprobahan ng House Committe on Public Information nitong Lunes.
Sampu ang bumoto pabor dito ngunit komontra si Tinio at sina Bayan Muna Rep. Neri Colmenares at Camiguin Rep. Xavier Jose Romualdo.
Ikinatwiran ni Tinio sa pagtutol ang aniya’y kawalan ng ngipin ng panukala.
“Sa tingin natin ‘yung version na isinalang kahapon sa committee ay nagtatanggal nga ng ngipin sa Freedom on Information Bill dahil may mga exceptions na ipinasok dito na sa tingin namin hindi dapat.”
Kabilang aniya rito ang pahirapan pa ring pagkuha ng kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng matataas na opisyal ng gobyerno. “May qualifications (na) subject to existing laws, rules and regulations,” himutok ni Tinio.
Inihalimbawa niya ang patakaran sa Kamara at Korte Suprema.
“Napakahirap kumuha ng SALN ng mga member ng Supreme Court because of their rules and regulations. Ang daming mga requirements. Kailangan ma-satisfy ‘yung mga justice sa justification na ibibigay mo. Kung ‘di sila satisfied, pwede nilang i-deny.”
“Sa existing rules and regulations ng House, summary lang ng SALN ng mga legislator ang ibinibigay sa public. Tapos kung gusto mo makuha ‘yung actual SALN ng isang legislator, kailangan sumulat ka sa House at kailangan pumayag ‘yung individual legislator. ‘Pag hindi, sorry ka.”
Binigyang-diin ni Tinio na ang habol niya ay makapagpasa ng FOI na “kikilala nang ganap sa karapatan ng mamamayan sa impormasyon.”
Kasunod nang paglusot sa committee level, isasalang na sa plenaryo ng Kamara ang FOI Bill.