HANGGANG Calamba, Laguna na ang biyahe ng Philippine National Railways (PNR) simula sa Disyembre 2.
Ayon kay Jo Geronimo ng PNR Operations, ito’y makaraan maayos ang mga daanan ng tren, partikular ang San Cristobal Bridge.
Aniya, P45 ang magi-ging pasahe mula Tutuban hanggang Calamba at tinatayang wala pang dalawang oras ang biyahe.
Inaasahang malaki ang matitipid ng mga bumibiyahe mula at patungo sa Calamba dahil sa kasalukuyan, hanggang Cabuyao lamang ang PNR at gumagastos pa sila ng dagdag-pasahe na umaabot sa P50 sa tricycle patungong Calamba.
Alternatibong transportasyon din ito para makaiwas sa matinding trapik ngayong Kapaskuhan.
Plano rin ng PNR na buhayin muli ang kanilang ruta papuntang Bicol sa susunod na taon.
Kailangan na lang anila ng third party assurance na magsasabing ligtas na ang ruta.
Magugunitang nagkaproblema ang riles ng tren nang ilunsad ang Bicol Express noong 2011.
Ayon sa Department of Transportation and Communications (DOTC), inuumpisahan na ang modernisasyon ng PNR na maaaring tumagal ng lima hanggang 10 taon. Naglaan na rin ang pamahalaan ng P2.5 bilyon para sa programa.
Ayon sa PNR, pondo lang ang kailangan para maiangat ang kanilang serbisyo.
Ongoing na rin ang repairs ng mga riles at tren habang nakabinbin ang kanilang hirit na itaas ang pasahe mula P0.71 sa P1.00 kada kilometro.
Beth Julian