IKINOKONSIDERA ng abogadong si Harry Roque na magsampa ng kaso laban kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng Maguindanao massacre.
Ikinatwrian ni Roque, abogado ng pamilya ng ilang biktima, ang mabagal na usad ng kaso at hindi pa rin pagpapapanagot sa mga pumaslang sa 58 indibidwal, kabilang ang 32 mamamahayag, noong Nobyembre 23, 2009.
Ayon kay Roque, nakipagpulong na sila kay United Nations (UN) Special Rapporteur on Freedom of Expression David Kaye at kinatigan aniya ang posisyon nilang may pananagutan ang Pangulo.
“Sumang-ayon naman po si UN Special Rapporteur Kaye na meron talagang pananagutan ang mga presidente kapag hindi naparusahan sa lalong mabilis na panahon ‘yung mga pumapatay sa ating lipunan.”
“At ito ngang Maguindanao massacre, mas karumal-dumal ito dahil hindi lang pinaslang ang karapatang mabuhay ng mga bitkima, pinaslang din ‘yung karapatan ng malayang pamamahayag.”
Sang-ayon din aniya sa Rome Statute ng ICC ang ikinakasa nilang hakbang.
“Ang presidente, may obligasyon hindi lang mag-imbestiga kundi maglitis at magparusa doon sa mga pumapatay sa lipunan na hindi nga nangyayari sa ating bayan dahil ang ating conviction rate ay napakaliit, 1%.”
Partikular na nakikitang problema ni Roque sa mabagal na usad ng kaso ng Maguindanao massacre ang aniya’y hindi gumaganang sistemang legal sa bansa, kawalan ng political will at gross ignorance of the law.
“Ang ehekutibo walang ginawa kundi mag-hugas-kamay at sasabihin nila, nasa korte na ‘yan… E hindi naman nila nalalaman na ito’y isang joint task dahil ang naglilitis naman ay ehekutibo, ang tumatanggap ng ebidensya ay ang hudikatura. Kailangan talaga nagtutulong-tulungan,” paliwanag ni Roque.
Wala pang ibinigay na petsa si Roque kung kailan ihahain ang kaso laban kay Aquino sa ICC.