DUMALO sa budget hearing sa Senado ang kontrobersiyal na si acting Health Sec. Janet Garin ngunit kapansin-pansin ang hindi paglapit sa kanya ng ilang senador.
Nauna rito, binatikos si Garin ng ilang senador nang tumungo sa Caballo Island para bisitahin ang mga Filipino peacekeepers na naka-quarantine dahil sa banta ng Ebola virus.
Hindi naka-protective gear si Garin nang pumasok sa VIP section ng gallery ng Senado.
Si Sen. Bongbong Marcos ang unang sumalubong kay Garin, at sinundan ni Sen. Teofisto Guingona at nakipag-kuwentohan sa kalihim.
Ngunit ang mga nagkuwestiyon sa hakbangin ni Garin na si Sen. Tito Sotto at chairman ng Senate finance committee na si Sen. Chiz Escudero ay hindi lumapit sa kalihim.
Pinanindigan ni Sotto ang naunang pahayag na hindi niya lalapitan o kakamayan si Garin.
Ngunit agad nilinaw ni Sotto na kaya sa harapang bahagi ng plenaryo siya tumayo para kuwestiyonin ang pondo ay hindi dahil takot siyang mahawaan ng Ebola virus kundi bilang bahagi aniya ng ancient process ng Senado.
Maging si Escudero ay binati lamang si Garin ng ebola greeting na inilalagay ang kanang kamay sa kaliwang dibdib.
Cynthia Martin