LUSOT na sa House Committee on Public Information ang report ng technical working group (TWG) tungkol sa consolidated version ng Freedom on Information (FOI) bill sa botong 10-3.
Ang naaprobahang bersiyon ay mula sa 24 na nakabinbin at magkakahiwalay na resolusyon sa Mababang Kapulungan.
Kabilang sa mga bumoto kontra sa pagpasa sina ACT Party-List Rep. Antonio Tinio, Bayan Muna Rep. Neri Colmenares at Camiguin Rep. Xavier Jose Romualdo.
Inaasahang didiretso at sunod na magiging mainit ang pagtalakay sa panukala sa plenaryo.
Kabilang sa sinasabing mga butas pa rin ng FOI bill sa kasalukuyang porma nito ang limitadong public access sa statements of assets, liabilities and net worth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno, sinasabing may exceptions din ito at may kinikilalang executive privilege sa mandatory disclosure nito.
Noong 15th Congress, umabot lamang hanggang sponsorship sa plenaryo ang FOI, habang noong isang taon pa naipasa ng Senado ang bersiyon nito.
Palasyo kontento sa FOI
KONTENTO ang Palasyo sa balangkas ng Freedom of Information (FOI) bill na ipinasa ng Committee on Public Information ng Kongreso kahapon.
Ipinagmalaki ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na lumahok ang mga kinatawan ng Malacañang sa ginanap na group sessions at madalas na nakipag-ugnayan sa FOI advocates.
Ang naturang FOI draft aniya ay naglalaman ng Open Data principles na ipinanukala ng administrasyong Aquino.
“We are satisfied with the current draft that was passed by the Committee on Public Information this afternoon. We have participated in the technical working group sessions and have kept communication lines open with citizen advocates. The draft likewise contains Open Data principles as proposed by this administration. As the President stated during this Daylight Dialogue last July, he hopes to see the FOI passed before the end of his term,” aniya.
Rose Novenario