INIULAT ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police (PNP) na nasa 30 kidnapper mula Enero hanggang Nobyembre ngayon taon ang nahuli at nasa kustodiya na ng mga awtoridad.
Ayon kay Police Senior Superintendent Rene Aspera, Chief of Staff ng PNP-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG), kabilang sa mga naaresto sina Tyrone dela Cruz at ang kanyang live-in partner na si Jean Loise Bitoy ng Dela Cruz Kidnap-for-Ransom Group (KFRG) na nahuli noong Nobyembre 7 sa Brgy. Bahi, Alburquerque, Bohol, alinsunod sa warrant of arrest na inilabas ng isang korte sa Laguna.
Ayon sa impormasyon ng pulis, may anim na kaso ng kidnapping ang nasabing grupo na may mga operasyon sa Metro Manila at Region 4.
Iniulat din niya ang pag-aresto kay Reccinte Padillo noong Oktubre 16 sa Pasay City sa bisa ng warrant of arrest na inilabas naman ng isang korte mula sa Quezon City.
Si Padillo ang lider ng Padillo KFRG na sangkot sa pagkidnap kay Sally Chua noong Hulyo 5 ng nakaraang taon.
Sinabi ni DILG Undersecretary Tomasito Villarin na ito ay resulta ng implementasyon ni Sec. Mar Roxas ng “whole of PNP approach” sa pagtarget sa mga kriminal.
“Sa pamamagitan ng mas tutok, sadya at programatikong pamamaraan ni Sec. Roxas upang labanan ang krimen, naging mas epektibo na ang pulisya sa pagtupad nila sa kanilang mga tungkulin,” dagdag ni Villarin.
Nagpasalamat naman sina Ka Ken Chua, chairperson ng Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO) at Teresita Ang-See, founding chairperson, sa DILG at PNP para sa mga resulta ng maigting na kampanya ng mga awtoridad sa mga kidnapper. Ayon kay Chua, malugod nilang tinatanggap ang magandang balitang ito mula sa DILG at PNP. Sinusugan ito ni Ang-See at itinuring itong katuparan ng mga ipinangako ni Roxas sa MRPO na arestuhin kung sino man ang nararapat maaresto.