KULONG ang isang lalaki makaraan makompiskahan ng shabu nang madakip ng mga pulis habang nagsusugal ng cara y cruz sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Sr. Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan Police, ang suspek na si Ronnie Ticson, 21, ng Kapayapaan St., Brgy. 150, Bagong Barrio ng nasabing lungsod.
Dakong 3:30 a.m., nagpapatrulya ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP-1) sa kahabaan ng Moises St., Bagong Barrio ng nasabing lungsod, nang mapansin nila ang isang grupo ng kalalakihan na abala sa pagsusugal ng cara y cruz.
Paglapit ng mga pulis ay nagpulasan ang mga lalaki ngunit nadakma si Ticson.
Nang kapkapan ay nakompiskahan ang suspek ng tatlong sachet ng shabu kaya dinala sa himpilan ng pulisya.
Rommel Sales
4 timbog sa damo at shabu
KALABOSO ang apat indibidwal na kinabibilangan ng dalawang lalaki at dalawang babae sa buy-bust operation ng mga operatiba ng Manila Police District sa Sta. Ana, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Chief Insp. Glenn Gonzales, hepe ng District Anti-Illegal Drugs – Special Operation Task Group, ang mga suspek na sina Robert Crisini, 57, ng Suter St., Sta. Ana, Maynila; Allan Biasa 45, ng 1910 Campillo St., Paco; Pia Cunanan, 43, ng Mataas na Lupa St., Paco, at Mhiann San Miguel, 21, ng Gonzales St., San Andres, Manila.
Nakompiska mula sa mga suspek ang tinatayang 500 gramo ng hinihinalang shabu at isang malaking bag na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Nabatid sa ulat, dakong 4:30 p.m. nang isagawa ang operasyon at nagpanggap na buyer si SPO1 Marian Esmas sa New Panaderos at A. Bautista Streets, Sta. Ana at nadakip ang mga suspek.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 laban sa mga suspek.
Leonard Basilio