BUO ang determinasyon ng gobyerno na masaksihan ang paggawad ng ganap na hustisya at kahit man lang ang panguna-hing akusado sa Maguindanao massacre ang mahatulan sa panahon ng administrasyong Aquino.
Sinabi kahapon ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., ang hamon ni Pangulong Benigno Aquino III sa Department of Justice (DoJ) ay ipursige ang paglahok sa paglilitis sa Maguindanao massacre case hanggang mahatulan ng hukuman, maski man lamang ang pangunahing akusado.
“Ayon kay Kalihim Leila de Lima, “the case”—patungkol po doon sa Maguindanao massacre—”is a litmus test of the Philippine justice system. It is the prosecution’s aspiration that we achieve convictions of at least the principal accused during this administration. That is the President’s challenge to the Department of Justice,” ayon kay Coloma.
Ang mag-aamang sina dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr., dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., at dating ARMM gov., ang mga pangunahing akusado sa karumal-dumal na pagpatay sa 58 katao, kasama ang 32 mamamahayag noong Nobyembre 23, 2009 sa Maguindanao.
“Batid din natin ang kahalagahan ng pagsulong sa malawakan at makabuluhang reporma sa sistema ng hustisya sa bansa upang bigyang tuldok na ang pag-iral ng kasabihang ‘justice delayed is justice denied.’ Hindi katanggap-tanggap sa ating mga mamamayan ang mabagal na pag-inog ng mga gulong ng hustisya,” sabi ni Coloma.
Makaaasa aniya ang sambayanan na hindi titigil ang pama-halaan sa pagtataguyod at pagbibigay proteksyon sa malaya at masiglang pamamahayag na mahalagang sandigan ng isang makabuluhang demokrasya.
Batay sa datos ng DoJ, nakapagpresenta na sila ng 147 saksi, at sa kanilang pagtaya, ang defense panel ay maghaharap ng 300 witnesses.
Rose Novenario