ANG Agarang pagpapatupad ng modernisasyon ng Bureau of Corrections (BuCor) ang nakikitang solusyon sa paglabas-masok ng droga, cellphone at iba pang ipinagbabawal sa New Bilibid Prison (NBP).
Magugunitang noong Mayo 2013 ipinasa ni Pa-ngulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang panukala para sa modernization ng BuCor o Republic Act 10575 na layong i-upgrade ang prison facility, i-restructure ang kawanihan at itaas ang sweldo at benepisyo ng mga empleyado.
Sinabi ni NBP Officer in Charge Supt. Robert Rabo, problema ang lapit ng piitan sa komunidad.
”Ang amin sanang nire-request na kung maaari ay maapura na ‘yung aming Modernization Act. Mai-transfer na po sa isang lugar na malayo po doon sa publiko.”
Umaasa si Supt. Celso Bravo, Assistant Directors for Operations ng NBP, na masosolusyunan ang over population sa piitan na may kapasidad lamang na 3,500 ngunit ngayo’y nagkakanlong nang mahigit 14,000 preso.
Habang sinabi ni Jonathan Morales, dating agent ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ngayo’y miyembro ng NGO na Anti-Drugs Advocate, hanggang ngayo’y kompirmadong nakapag-o-operate pa rin ang mga drug syndicate kahit nakakulong ang ilang lider nito.