BINIGYAN ng boxing lesson ni Manny Pacquiao ang walang talong si Chris Algieri sa naging paghaharap nila kahapon sa Macau para irehistro ang isang unanimous decision at mapanatili ang korona sa WBO welterweight sa harap ng libu-libong fans na dumagsa sa CotaiArena.
Sa kabuuan ng 12 rounds ay dinomina ni Pacquiao si Algieri at anim na beses niyang pinahiga sa canvas ang Kanong boksingero.
Sa Round 2 ay isang kombinasyon ang pinawalan ni Pacman na tumama kay Algieri kasabay ng pagkadulas ng huli. Bagama’t kinontes ng kampo ni Algieri na “slip” lang ang pagkakatumba ng Kanong boksingero, binig-yan siya ng standing 8-count.
Ang dalawa pang bagsak ni Algieri ay nangyari sa Round 6. Sinundan iyon ng dalawa pang plakda sa Round 9 at isa sa Round 10.
Bagama’t nakatikim ng mababagsik na suntok si Algieri ay nagawa niyang tapusin ang 12 rounds.
Sa post interview, nagbigay ng paghanga si Algieri sa naging performance ng Pambansang Kamao. “Manny is the best in the world at fighting like Manny Pacquiao. The plan was to get into the later rounds without incurring too much damage and land shots that would hurt him.”
Pahayag naman ni Pacquiao na handa na ni-yang tapusin si Algieri nang bumagsak sa 9th round pero mabilis ang mga paa nito na nagawang makatakbo sa mga suntok niyang finale.