KRITIKAL ang kalagayan ng isang 32-anyos mensahero makaraan holdapin at barilin ng dalawang lalaking lulan ng motorsiklo sa Binondo, Maynila kamakalawa.
Nilalapatan ng lunas sa Saint Luke’s Hospital ang biktimang si Vincent Besabe, ng Escolta Street, Binondo, Maynila
Habang mabilis na tumakas ang mga suspek tangay ang halagang P150,000 cash na idedeposito sana sa Union Bank Escolta Branch.
Ayon kay Senior Inspector Alexander Rodrigo, hepe ng Manila Police District Theft and Robbery Section, dakong 2:30 p.m. nang maganap ang insidente sa harap ng Escolta Restobar sa Binondo.
Naglalakad ang biktima patungo sa nasabing banko, nang bigla siyang tutukan ng baril ng mga suspek saka inagaw ang dala niyang bag. Pumalag ang biktima kaya binaril siya ng mga suspek.
Nang makuha ang bag ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod ng mga saksi ang biktima sa pagamutan.
Leonard Basilio