46TH LEE KUAN YEW EXCHANGE FELLOW (LKYEF). Malugod na tinanggap ni Singapore Prime Minister Lee Hsien Loong si LKYEF Sen. Grace Poe sa Istana. Si Poe ay ikatlong fellow mula sa Pilipinas mula nang simulan ang programa.
GUANGYANG SCHOOL VISIT. Nakihalubilo si Sen. Grace Poe sa mga estudyante ng Guangyang Primary School sa Singapore, dito tinalakay sa kanya ang mga patakarang edukasyonal ng Singapore na buo ang suporta hanggang sa paglaki ng mga bata. Itinutulak ni Poe ang institutionalisasyon ng programang libreng tanghalian para sa mga estudyante sa public schools para ihanda at palakasin ang human resource assets ng bansa.
Habang isinasantabi ni Senadora Grace Poe ang usapin ukol sa umano’y panliligaw ng dalawang pangunahing political party sa bansa, mariin naman niyang binigyan ng pagpapahalaga ang kanyang karanasan bilang ika-46 na Lee Kuan Yew Exchange Fellow (LKYEF) sa Singapore.
Si Poe ay ang ikatlong Pilipinong pinili na maging fellow mula nang magsimula ang prestihiyosong programang LKYEF. Bibihira lamang ang napipili para sa LKYEF na ibinabase sa malinis na track record at potensyal ng isang opisyal ng pamahalaan.
”I deeply value the immersion and exchanges this important program guaranteed toward sustaining Philippine efforts to fortify transparent governance and extinguish corruption,” ani Poe.
Dalawang indibidwal lamang ang pinipili ng LKYEF sa buong mundo bawat taon at mapalad na napabilang dito ang senadora.
Sa naturang okasyon malugod na tinanggap ni Singapore Prime Minister Lee Hsien Loong ang senadora at kinilala ang pag-angat ng ekonomiya sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Nakipagpulong rin si Poe kay Singapore Foreign Affairs and Law Minister Kasi-viswanathan Shanmugam. Tinalakay ng dalawa ang mga adhikain ng Singapore na maging neutral third party venue para sa international commercial dispute resolution.
Ibinida naman ni Corrupt Practices Investigation Bureau Director Wong Hong Kuan kay Poe ang kanilang paglaban sa korupsyon. Katunayan ang Singapore ay naitalang isa sa may pinakamababang insidente ng korupsyon.
Napag-alaman ng senadora mula sa Singapore Central Narcotics Bureau ang mga ginawa nilang programa sa pagsawata sa ilegal na droga at kung paano babaguhin ang nalulong dito sa paki-kipagtulungan ng kani-kanilang pamilya.
Nakita ni Poe ang maayos na programang pang-edukasyon na maaaring ipatupad sa Pilipinas tulad ng scholarship programs at libreng pagkain sa mga paaralan kahalintulad ng isinusulong ngayon ng senadora na libreng tanghalian para sa mga estudyante ng mga pampublikong paaralan.
Umaasa si Poe na ang mga nakita at natutunan niya sa kanyang pagbisita sa Singapore ay hindi imposibleng i-adopt sa Pilipinas upang makatulong sa pagsulong ng ekonomiya.
Kasabay nito, hindi nagpahayag ng intensyon si Poe sa pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016 election.
Aniya, nararapat pagtuunan ang kanyang mandato bilang senador lalo na ang pagtulak sa mahahalagang panukalang batas na dapat na pakinabagan ng taumbayan tulad ng Freedom of Information bill.