NAKATANGGAP ako ng email mula sa nagpapakilalang nagkakaisang manggagawa ng Civil Aviation Authority of the Phillipines CAPP):
“Kami po ay mga nagkakaisang empleyado ng Civil Aviation Authority of the Philippines o (CAAP). Sumulat po kami upang iparating sa mga kinauukulan ang mga maling pamamalakad sa loob ng aming ahensya. Kung magkakaroon ng patas na imbestigasyon. Kami po ay lalantad sa tamang panahon kung kami ay pakikingan sa aming mga hinaing at pagdurusa.
Unahin po namin ang isang malaking isyu sa aming opisina. Ang lumalalang kalakaran ng “Nepotism” sa aming hanay, at walang pakundangan na pagbibigay ng mga pwesto o posisyon sa mga kaanak at kamag-anak ng mga kasalukuyang namumuno. Marami sa aming mga kasamahan ang halos matagal na nanilbihan noong kami ay nagsimula bilang Air Transportation Office (ATO) pa lamang at marami sa amin ang kwalipikado, pawang mga “eligible” at may mga sapat na karanasan at training sa abroad at hindi lang ito, sila po ay mga tapat sa kanilang mga sinumpaang tungkulin ngunit hindi man lang nabigyan ng pagkakataon dahil sa kagustuhan lang ng mga kasalukuyang namumuno na makuha at ma-dominante ang mga matataas na posisyon dito sa CAAP. Paki-imbestigahan naman po ninyo ang kanilang mga anak nila Gen Joya na si Atty. Rania Joya at anak naman ni DG Hotchkiss na si Steven Hotchkiss. Hindi po ba ang tawag dito ay Nepotism?
Pangalawa, amin din pong natuklasan ang kanilang plano na palawigin ang kanilang mga termino at magkaroon ng permanenteng termino, hindi bababa sa anim na taon sa kanilang mga pwesto kahit na magpalit pa ng bagong Administrasyon at Presidente. Heto po ang resulta sa ginawang “Strategic Planning” na sila-sila lang ang nag-usap. At ‘pag nagkataon pa na ito ay aprubahan, malaya nilang magagawa ang kanilang mga inaalagaan na pansariling interest. Nagkakaroon na po ng matinding hidwaan sa pagitan nila DG Hotchkiss at Capt. Andrew sa kanilang awayan sa kanilang personal na interest. Mas pinapaboran kasi nila DG Hotchkiss ang tumangap ng … sa mga malalaking projects sa CAAP, habang si Capt. Andrew naman ay … ang mga Airlines Company dahil galing din siya sa isang pribadong kumpanya na isa rin na kilalang airline company at itong si Gen. Joya na grupo nila DG Hotchkiss ay mga malalaking projects ang … Paki-silip naman po ang mga proyekto sa mga renovation ng mga Airport natin? At isama nyo na rin po ang mga procurement ng iba’t ibang airport systems gaya ng mga security equipment, computer systems at iba pa. Puro sila negosyante? Hindi ba minsan din sila nanilbihan bilang mga opisyal ng Philippine Airforce? At sila ay may mga… na ginawa? At sila pa ang nilagay na mamuno dito sa CAAP. Malakas lang kasi sila kay PNoy kaya sila ang nakaupo? Wla na po bang mahusay at maaring ilagay dito sa CAAP? Tinatawagan namin ng pansin ang Chairman ng Civil Service Commission at Ombudsman na magpadala naman kayo ng mga magagaling ninyong Audit Team sa aming ahensya. Sa ating Mahal Na Pangulo, huwag naman sana kayo basta maniniwala sa mga natamong accomplishments ng CAAP dahil alam namin na hindi sila (Hotchkiss at Joya) ang naghirap sa kanilang ipinagmamalaki na nagawa kuno? sa aming ahensya. Marami pa kami isisiwalat kung kami ay inyong pakikinggan.
Tulungan ninyo kami! Bantayan ninyo ang mga kilos ng mga kasalukuyang namumuno sa CAAP! Mahal na Pangulo at Secretary (Jun) Abaya, kami po nakikiusap sa inyo. Hindi po ito ang Tuwid na Daan! Tulungan po natin ang mga mananakay ng ating mga paliparan! Huwag po natin hayaang magdusa ang ating Bayan! ALISIN NINYO SILA HOTCHKISS AT JOYA SA CAAP!”
Hangad natin ang reaksiyon at paliwanag dito nitong sina Hotchkiss at Joya. Anong say n’yo, mga Sir?
Paging DoJ Sec. Leila de Lima, baka may time po kayong paimbestigahan ang sumbong na ito ng CAAP employees?
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 099-8974-7723/ E-mail add: [email protected]
Joey Venancio