NAKAPIIT na ang apat kalalakihan kabilang ang dalawang bagitong pulis habang pinaghahanap ang isa pang parak makaraan holdapin ang isang messenger na may dalang P1.2 million cash na idedeposito sa isang banko sa Pasay City kamakalawa.
Nakakulong sa Pasay City Police detention cell ang mga suspek na sina PO1 Ronald Villanueva, 33, ng Block 16, Lot 7, Croatia St., Chera Nevada Subd., Cavite City; PO1 Alas Noli Tiu Soliman, 33, nakatira sa Valenzuela City, kapwa nakatalaga sa Central Park Police Community Precinct (PCP)-5, ng Pasay Police; Limuel Camposagrado, 28, at Alexander Pantoja, 32, kapwa ng Sitio Ilang, Brgy. San Francisco, General Trias, Cavite.
Habang pinaghahanap ang isa pang suspek na si PO2 John Mark Manguera.
Samantala, kinilala ang biktimang si Jeffrey Rabe, 24, messenger ng Senubi Travel and Tour Company.
Sa isinumiteng report ni Sr. Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City Police, kay Chief Supt. Henry Ranola Jr., Officer-In-Charge (OIC) ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente 4:30 p.m. kamakalawa sa kanto ng Macapagal Boulevard, Gil Puyat Avenue (dating Buendia Extension) ng nasabing lungsod.
Lulan ng motorsiklo ang biktimang si Rabe dala ang halagang P1, 002,931.00 upang ideposito sa banko nang biglang harangin ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo, tinukan ng baril saka sapilitang kinuha ang kanyang bag na naglalaman ng nasabing halaga.
Naaresto sa follow-up operation ng mga pulis sina Camposagrado at Pantoja sa kanilang bahay dakong 5:30 p.m.
Nakompiska mula kay Pantoja ang isang kalibre .9mm baril na natuklasang pag-aari ni PO1 Villanueva
Ikinanta ng mga suspek ang tatlong pulis na nagresulta upang madakip sina Villanueva at Soliman habang pinaghahanap pa si Manguera.
Samantala, narekober ng mga pulis mula kay Villanueva ang P349,000 halaga mula sa hinoldap na pera.
Manny Alcala/Jaja Garcia