NAGTAYO ng libreng sementeryo para sa lesbian, gay, bisexual and transgender (LGBT) community ang lokal na pamahalaan ng Rosario, Cavite.
Inilaan ang mga pink na puntod para sa mga bakla habang puntod na may rainbow border ang para sa mga lesbian.
Ikinatuwa ng mga miyembro ng LGBT ang espesyal na libingan na anila’y maituturing na pagtanggap sa kanila ng bayan.
Para kay Jonathan Penaflor Buhay, presidente ng Gays and Lesbians Association, “It’s really like an honor. Kasi siyempre, kung bibigyan kayo ng pagkakataon na ma-recognize ng inyong bayan, isa ‘yong malaking karangalan, sa amin kasi ‘yan talaga ang hinihingi ng mga katulad namin.”
Sa nitso, nakalagay rin ang tunay na pangalan at alyas ng yumao.
Kasama rin sa iba pang benepisyo ng lokal na pamahalaan ang libreng kabaong.
Ayon sa pamahalaan ng Rosario, isa lang itong paraan upang ipakita ang suporta nila sa mga miyembro ng LGBT.
Nagtayo na rin si Mayor Nonong Ricafrente ng Office for Special Affairs na pinamumunuan ng mga LGBT.