KASABAY ng paggunita sa Undas nitong Sabado, namatay ang isang ginang at tatlo niyang mga anak sa nasunog na abandonadong gusali sa Delpan, Binondo, Maynila.
Kinilala ang mga biktimang si Mary Grace Sundiya, 40-anyos, at mga anak niyang sina Herardo Jr., 5; Gerald Mark, 3; at Geralyn, 1. Unang natagpuan ang labi ng magkakapatid na magkakayakap.
Isang batang lalaki pa ang sugatan ngunit agad naisugod sa ospital.
Sinasabing sa itinirik na kandila sa paggunita ng Undas nagsimula ang sunog pasado 10 p.m. kamakalawa habang pasado 1 a.m. kahapon nang maapula.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), umabot sa P500,000 ang halaga ng pinsala. Tinatayang 60 bahay ang natupok at 100 pamilya ang apektado.
Kaugnay nito, labis ang pagdadalamhati ni Mang Herardo sa sinapit ng kanyang mag-iina.
“Hindi ko alam kung papano ako mag-uumpisa. Hindi ko alam kung paano mabuhay pa ngayon, wala na akong katuwang.”
Tulong para sa burol at pagpapalibing ang ipinanawagan ng padre de pamilya.
Samantala, natupok sa sunog ang isang 26-anyos lalaking may down syndrome kahapon ng madaling araw sa Makati City.
Ayon sa initial report ng Makati City Fire Department, kinilala ang biktimang si Roy John Bautista, ng Brgy. Pembo ng naturang lungsod.
Base sa report, nagsimula ang sunog dakong 2:34 a.m. sa Paraiso St., Brgy Pembo ng naturang siyudad.
Sa salaysay ng kapatid ng biktima na si Joana, nakalabas na ng bahay si Roy John ngunit bumalik sa kanyang kwarto.
Gayonman, hindi na muling nakalabas ang biktima dahil kumalat na ang apoy at hindi na rin naisalba.
Kinokompirma pa ng mga imbestigador kung electrical short circuit ang pinagmulan ng sunog.
Jaja Garcia