IKINOKONSIDERA ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagsasampa ng reklamo laban kay Atty. Harry Roque makaraan ang pagsugod sa Camp Aguinaldo kasama ang mga kliyenteng pamilya Laude noong Oktubre 22.
Matatandaan, sumampa sa bakod ng kampo sina Marilou Laude, kapatid ng pinaslang na transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer, at Marc Sueselbeck, fiance ng biktima, sa pagnanais na makita ang nakapiit doong si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton, ang suspek sa krimen.
Nagalit noon si Roque dahil sa pagharang ng mga sundalo sa pamilya Laude.
Binuweltahan niya ang AFP ng: “Ikulong n’yo na itong pamilya Laude kung gusto ninyo!”
Sa opisyal na pahayag ng AFP, sinabi nitong plano nilang ireklamo si Roque sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) at umaasa silang papapanagutin nito ang abogado, maaari anila sa pamamagitan ng pagtanggal sa lisensya ni Roque.