ISINAILALIM sa preventive suspension ang tatlong empleyado ng Manila International Airport Authority (MIAA) bunsod ng pagkakasangkot sa human trafficking activities kaugnay sa apat na babaeng patungo sa Lebanon via Abu Dhabi nitong Sabado, Oktubre 25.
“MIAA employees who are involved in the human trafficking have been re-assigned without prejudice of having preventive suspension while under investigation,” pahayag ni MIAA Assistant General Manager for Security and Emergency Services (AGM-SES) head Vicente Guerzon sa text message.
Kinilala ang tatlong sinibak na si Analee Soriano, contractual employee, AWOL mula nitong Oktubre 27, at dalawang organic employees na sina Alvin Borero at Joyce Vilonta.
Sinabi ni Immigration NAIA terminal 1 head supervisor Dennis Opiña, naispatan ni IO Paul Eric Borja, miyembro ng Immigration Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) na nakatalaga sa immigration arrival, si Soriano habang naka-eskort sa apat na babae na may suot na OB (official business) pass mula sa opisina ng AGM-SES habang dumaraan sa authorized passage way dakong 6 p.m. at umakyat sa hagdan patungo sa departure area.
Ayon kay Opiña, napansin ni Borja na ang mga babae ay mukhang “workers, not senders or welcomers” batay sa kanilang hitsura, sa kanilang kasuutan at halatang kinakabahan dahil palinga-linga sa paligid.
Sinundan ni Borja ang mga babae hanggang sa departure waiting area habang naghihintay sa 12 midnight flight patungong Lebanon via Abu Dhabi lulan ng Etihad Airways.
Pagkaraan ay tinawagan ni Borja ang TCEU members na nakatalaga sa departure area upang kwestyonin ang apat kung bakit nakasuot sila ng OB passes.
Makaraan ang imbestigasyon ng TCEU, inamin ng isa sa apat na siya ay patungong Lebanon bilang direct hired worker at sinabing sinalubong sila ni Soriano sa labas ng airport at ibinigay sa kanila ang isusuot nilang OB pass para makapasok sa arrival area ngunit kinuha rin sa kanila sa loob ng departure toilet kapalit ng kanilang passport at boarding passes.
Inihayag ng tatlo na sila ay nagbayad ng P150,000 bawat isa para sa passports, gayon din para sa fake immigration stamp at iba pang airport taxes and fees.
Inihayag ng isang miyembro ng DoTC Office of Transportation for Security (OTS) na nakatalaga sa X-ray machine malapit sa dignitaries lounge sa tabi ng hagdanan patungo sa departure area, lagi umanong nag-ieskort si Soriano ng mga pasaherong may suot na OB passes.
Habang sinabi ni Julius Cortez, head ng immigration Airport Operations Division (AOD) ng BI, sinasamantala ng ilang human traffickers ang sitwasyon habang ang NAIA terminal ay isinasailalim sa renovation, at ilan sa illegal passengers ay inuutusang magsuot ng uniform ng construction workers upang hindi sila mapansin.
Samantala, tahasang inihayag ng ilang airport police na, “alisan ng maskara ang sangkot para hindi lahat ng pulis ay nadadamay.”
Ang apat kababaihan ay dinala na sa Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Gloria Galuno