KINASUHAN ng kanyang misis sa Department of Justice (DOJ) ang hepe ng Davao Police na si Senior Superintendent Vicente Danao.
Paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004 ang inihaing reklamo ni Ginang Susie Danao.
Kwento ng ginang sa kanyang reklamo, taon 2002 hanggang 2013 nang makaranas siya at kanyang mga anak ng physical at verbal abuse mula sa padre de pamilya.
Una nang kinasuhan ang police official sa Regional Internal Affairs Service ng PNP.
Sinamahan ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan at ng mga abogado si Ginang Danao sa paghahain ng reklamo sa DOJ.
Ani Ilagan, naka-aalarma ang kasong ito dahil mismong pulis na siyang inaasahang magpapatupad ng batas ang inaakusahan sa kaso.
Leonard Basilio