MAY posiblidad nang makapasok sa Philippine National Police (PNP) ang K-12 graduates sakaling pumasa ang isang panukalang batas sa Kamara.
Layon ng House Bill 4967 na inihain ni Rep. Joseller “Yeng” M. Guiao (1st District, Pampanga), na mabigyan ng pagkakataon ang mga anak ng mahihirap na pamilya na mapabilang sa PNP sa pamamagitan ng pagpapababa ng educational requirement para sa mga aplikante nito.
Dahil dito, aamyendahan ng panukala ang Republic Act 8551, o Philippine National Police Reform and Reorganization Act ng 1998 para maisakatuparan ang balakin ng mambabatas.
Batay sa mandato ng PNP, nasasaad sa R.A. 8551, ang mga college graduate lamang ang pwedeng makapasok sa police force o ‘yung may mga degree holder.
Sa ilalim ng panukala, tatanggapin ang K-12 graduates basta’t nakapasa sa eksaminasyon kabilang ang isinasagawa ng National Police Commission (Napolcom), at nakatugon sa general qualification tulad ng edad, taas, at timbang na itinatakda ng PNP.
Jethro Sinocruz