MAKARAAN ang tatlong taong pangunguna sa listahan, hindi na ngayon hawak ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang titulo ng ‘world’s worst airport.’
Sa pinakahuling listahan ng website na ‘The Guide to Sleeping in Airports’ ngayong taon, nasa ikaapat na pwesto na ang Manila NAIA, batay na rin sa survey na isinagawa nito.
Kabilang sa mga tinukoy ng website na “improvements” ng NAIA ang muling pagbubukas ng bagong day rooms, paglipat ng mga international flight sa Terminal 3 at pagsama sa iisang bayarin ng terminal tax dahilan para mabawasan ang haba ng mga pila sa paliparan.
Binanggit nitong positibong hakbang para sa NAIA ang pagsisimula ng “long awaited rehabilitation” nito na matatapos sa 2015.
Bagama’t tuloy ang nararanasang problema sa NAIA 1 tulad ng “overcrowding, lengthy queues, limited seating, unfriendly immigration/customs officers and smelly toilets” at pagiging “Asia’s largest public sauna” dahil sa bumigay na airconditioning system nito kamakailan.
Una na ngayon sa listahan ang Islamabad Benazir Bhutto International Airport sa Pakistan.
Isinagawa ang survey noong Setyembre 2013 hanggang Agosto 2014, batay sa “overall airport experience” ng mga biyahero ukol sa 4C’s ng paliparan: comfort, conveniences, cleanliness at customer service.