MAKARAAN maging viral sa social media at lumabas sa mga pahayagan ang balita kaugnay sa isang 11-anyos vendor ng pandesal na umiiyak at nanginginig sa takot makaraang holdapin, bumuhos ang dumarating na biyaya para sa kanya.
Nitong Sabado, personal na binisita ni Mayor Oscar Malapitan ang batang si Mark Christian “Kokey” Santos sa kanyang bahay sa Brgy. 168 Deparo, Caloocan North at personal na kinausap ang biktima sa kanyang karanasan at nang mabatid na nagsusumikap ang bata sa kagustuhang makabili ng bisekleta ay agad niyang tinugunan.
Sa flag raising ceremony sa harap ng city hall sa lungsod, personal na iniabot ni Mayor Malapitan ang P20,000 cash sa nanay ng biktima upang maging puhunan sa maliit na negosyo para hindi na magtrabaho ang kanyang anak.
Kaugnay nito, naniniwala si Sr. Supt. Ariel Arcinas, hepe ng lungsod, malapit na nilang maaresto ang ang suspek makaraan isa-isahin ang mga kuha ng close circuit television (CCTV) malapit sa pinangyarihan ng insidente sa nasabing lugar.
Sa nasabing CCTV footage ay nahagip ng camera ang isang lalaking naglalakad na may itinatago sa baywang at nang ipakita sa biktima ay positibong kinilala ng bata. (ROMMEL SALES)