DAHIL mas mababa na sa P40 kada litro ang presyo ng diesel, nanawagan ang transport group para sa pagbabawas ng pasahe sa mga pampasaherong jeepney na magiging P8 na lamang.
“Nananawagan ako sa mga kaibigan… na magsama-sama na tayo para mabigyan natin ng pamaskong handog ang ating mga pasahero,” pahayag ni Pasang Masda national president Obet Martin.
Pero ang nasabing suhestiyon ay ibinasura ng ibang jeepney transport groups.
Hindi pa nakarere-kober ang jeepney drivers at mga operator sa dagdag-presyo sa langis nitong nakaraang taon, ayon kay Liga ng Transportasyon at mga Operator sa Pilipinas (LTOP) president Lando Marquez.
“Kawawa na naman ang mga tsuper na hindi nakaka-boundary dahil sa problema sa traffic, nagkakabuhol-buhol, baha kapag umuulan,” aniya.
“Kung meron man ‘yong nagpapapogi, siguro kailangan magkaintidihan muna, mag-unawaan muna para mapag-usapan,” aniya.
Tumutol ang iba pang grupo sa tapyas-pasahe gaya ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP).
Sa kasalukuyan, ang presyo ng diesel ay P38 kada litro kasunod ng price rollback nitong nakaraang linggo.
Ang provisional fare increase na P8.5 minimum fare ay sinimulang ipatupad nitong Hunyo.