MAHIGIT 2,000 sundalo ang nasa Sulu para tumulong sa pagtugis sa mga miyembro ng bandidong grupong Abu Sayyaf Group (ASG) na hawak ang 12 bihag kabilang ang limang dayuhan.
Mismong si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gregorio Pio Catapang ang dumayo sa Sulu upang makipagpulong ukol sa aksyon kontra sa ASG members partikular sa tumataas na insidente ng kidnapping dito.
Pitong batalyon ng sundalong Philippine Marines at Army ang nasa lalawigan ngunit posible pa itong dagdagan nang mapabilis ang paghabol sa mga Abu Sayyaf sa kabundukan.
Nagpadala na rin ng K-9 units para tumulong sa paghahananap ng mga bandido.
May ipararating din na kompanya ng Special Forces ang Philippine Army na idinisenyo ang taktika sa pakikipagsagupa sa kabundukan at gubat.
Ngayong Lunes inaasahang makikipagpulong si Catapang sa crisis management committee ng lalawigan ngunit dahil hindi ito matutuloy ay bumisita na lamang siya sa tropa ng militar sa probinsiya.
KALIGTASAN NG KIDNAP VICTIMS IPINATITIYAK
TINIYAK ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Gregorio Pio Catapang Jr., na walang magaganap na rescue operation sa 12 kidnap victims ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa probinsiya ng Sulu.
Sa pakikipag-usap ni Catapang sa mga sundalo, nais niyang matapos na ang paghihirap ng kidnap victims at gagawin nila ito nang walang collateral damage.
Nagtungo ang pinuno ng Sandatahang Lakas ng Filipinas sa Sulu para personal na i-assess ang sitwasyon sa probinsiya partikular sa insidente ng kidnapping at banta ng terorismo sa lugar.
Inihayag ng heneral, hangga’t walang direktiba mula sa Crisis Management Committee (CMC), hindi magsasagawa nang rescue operation at umaasa ang militar na mapalalaya ang kidnap victims sa pamamagitan ng peaceful negotiation sa abductors.
Sa 12 bihag na hawak ngayon ng Abu Sayyaf Group, lima rito ay mga banyaga kabilang na ang dalawang German nationals.
Una nang nagbanta ang ASG na pupugutan nila ng ulo ang isa sa dalawang German na bihag kapag hindi ibinigay ang kanilang ransom demand na P250 million o US$5.62 million.