MISTULANG naging depensibo nang dumating kamakalawa ng gabi si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III mula sa kanyang biyahe sa Bali, Indonesia makaraan dumalo ng democracy forum.
Bagama’t walang bumabatikos, inunahan ni Pangulong Aquino ang mga kritiko at agad idinepensa ang kanyang mga biyahe.
Sa kanyang arrival message, sinabi niyang tiyak na kukwestiyonin ang malimit niyang biyahe sa abroad lalo sa Indonesia.
Ayon sa Pangulong Aquino, ang problema ng ibang bansa ay nakaaapekto sa Filipinas kaya dapat makibahagi sa international community.
Mahalagang partner din aniya ang Indonesia na malaking bagay ang naitulong nang manalasa ang bagyong Yolanda.
Sa kanyang pagdalo sa nasabing forum, ipinagmalaki ni Pangulong Aquino ang 1986 EDSA People Power Revolution kasabay ng batikos sa Marcos at Arroyo administration.
Makaraan ang biyahe sa Indonesia, sunod na pupuntahan ni Pangulong Aquino ang ASEAN Summit sa Myanmar at APEC Summit sa Beijing, China.
Sa isang araw na biyahe sa Indonesia, gumastos ang gobyerno ng P7.1 milyon para sa delegasyon ni Pangulong Aquino.