HANDANG tulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang batang na-trauma makaraan holdapin sa Caloocan City.
Kahapon, sinadya ng social workers si “Bryan” sa kanyang bahay. Noong una, ayaw pang magsalita ng bata ngunit kalauna’y nakipag-usap na rin at nakangingiti na.
Ayon kay DSWD Secretary Dinky Soliman, isasailalim nila sa psycho-social debriefing ang bata at bibigyan ng educational assistance. Kung hindi pa bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang pamilya ng biktima isasama rin sa programa.
Nanawagan ang kalihim sa barangay officials na kumilos para maprotektahan ang mga bata.
Samantala, bumisita rin si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan sa bata at tiniyak ang hustisya sa biktima. Ipinag-utos ng alkalde ang pagtugis sa nangholdap sa bata.
Tinanong ni Malapitan si Bryan kung may hiling, at bisikleta ang isinagot ng bata, na ipinangakong tutuparin ng alkalde.
Iniimbestigahan na rin ng Caloocan Police ang insidente.
Ayon kay Senior Supt Ariel Arcinas, inilarawan lang ni Bryan ang suspek na matangkad at nakasombrero.
Huling nag-deliver ng pandesal si Bryan sa tanggapan ng isang doktora bago siya holdapin. Kakausapin ng pulis ang doktora sa pagbabakasakaling makilala niya ang inilarawan ni Bryan.