TUMALON mula sa taxi ang isang babaeng pasahero nang sumama ang pakiramdam dahil sa naamoy na kemikal kamakalawa ng gabi.
Kwento ng 27-anyos babaeng sales associate ng isang cosmetic company, sumakay siya ng taxi sa Glorietta patungo sa Pasig dakong 8:40 p.m.
Ngunit nagtaka ang biktima nang mapansing burado ang plate number sa may pintuan ng taxi kaya itinanong niya ito sa driver. Sabi ng driver, PXF-966 Angel of J taxi.
Habang paakyat ng flyover, sumama ang pakiramdam ng babaeng pasahero. Kwento niya, nahilo siya, nanikip ang dibdib, halos matuyuan ng laway at lumabo pa ang paningin.
Pagbaba ng flyover sa bahagi ng Buendia, sinabihan niya ang driver na ibaba siya, ngunit dinedma lang aniya siya kaya nagsisigaw na siya.
Tinangka ng pasahero na buksan ang kanang pinto ng taxi ngunit hindi niya ito mabuksan at ayaw din buksan ng driver. Sinubukan niya ang kaliwang pinto at nang mabuksan, ay tumalon siya palabas bagama’t umaandar ang taxi.
Dahil mabagal ang daloy ng mga sasakyan ay swerteng hindi siya nabundol at hindi rin siya gaanong nasaktan.
Nagkaroon aniya ng komosyon lalo nang bumaba ang taxi driver at nilapitan siya. Ikinatwiran ng driver na LPG lang na sumingaw ang naamoy niya.
Siningil pa ng P200 ng taxi driver ang pasahero at nagbayad na lamang siya dahil sa takot.
Nagsumbong sa Makati Police Station 7 ang babaeng pasahero.