KOMPIYANSA si Pangulong Benigno Aquino III sa kakayahan ng mga awtoridad na pangalagaan ang publiko laban sa ano mang banta sa seguridad.
Ito ang inihayag kahapon ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, nang mapaulat ang sinasabing planong pag-atake ng mga terorista sa Metro Manila, makaraan maaresto sa Quezon City kamakalawa ang tatlong mga kasapi ng Raja Sulayman Group.
“The President is confident that our security forces know the next steps to be taken,” aniya.
Gayonman, iginiit ni Valte na batay sa report ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Palasyo, walang kompirmadong partikular na terror plot na konektado sa pagkadakip sa tatlong suspek.
Kaya nanawagan ang Malacañang sa publiko na iniulat sa mga awtoridad ang ano mang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang pamayanan upang makatulong sa pangangalaga sa pagpapanatili sa peace and order.
Nitong Huwebes ay naglabas ng security message ang US Embassy sa kanilang mga mamamayan sa bansa na maging mapagmatyag kaugnay sa napaulat na planong pambobomba sa Kalakhang Maynila.
(ROSE NOVENARIO)