UMAPELA sa Sandiganbayan si Rep. Imelda Marcos kaugnay ng pagkakompiska sa mamahaling paintings ng kanyang pamilya.
Partikular na kinuwestyon ng mambabatas ang seizure order ng anti-graft court sa mahigit 100 paintings na koleksyon ng pamilya Marcos na sinasabing bahagi ng ill-gotten wealth.
Kinondena rin ni Rep. Marcos ang aniya’y pananakot ng mga awtoridad sa kanilang pamilya sa pagpapatupad ng kautusan ng Sandiganbayan, sabay hirit na ibalik sa kanila ang lahat ng nakompiskang paintings.
Matatandaan, sa naunang paghalughog ng National Bureau of Investigation (NBI) at Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa ancestral home ng pamilya sa San Juan, nasa 15 paintings ang nakompiska.
Kabilang rito ang “Madonna and Child” ni Michelangelo,
“Femme Couchee VI” ni Picasso at “Still Life with Idol” ni Paul Gaugin.
Sunod na ni-raid ang Marcos Museum sa Batac City, Ilocos Norte ngunit walang narekober na paintings ang mga awtoridad.