SINUGOD ng mga guro at estudyante ng Philippine Normal University (PNU) ang tanggapan ng Department of Budget and Management (DBM) at kinalampag si Budget Secretary Florencio Abad kahapon ng tanghali.
Naglunsad ng noise barrage ang mga estudyante at guro bilang protesta sa kakarampot na budget na inilaan sa kanilang unibersidad para sa susunod na taon.
Nabatid na sa lahat ng state colleges and universities (SUCs) sa buong Metro Manila, ang PNU ang makatatanggap ng pinakamaliit na bahagi ng budget.
Tatlong bilyong pisong budget ang isinumite ng PNU ngunit P569 milyon o 18.6 % lang ang inaprubahan ni Abad.
Hindi ito ang unang pagkakataon na sinugod ng mga estudyante at guro ang gusali ng DBM dahil sa tila pagbalewala ni Abad sa kapakanan ng mga nasa sektor ng edukasyon.
Agad hinigpitan ang seguridad sa Solano St., San Miguel, Manila na kinaroronan ng gusali ng DBM na ilang metro lang ang layo sa Palasyo.
(ROSE NOVENARIO)