NAKAPILA pa rin sa mga pier ng Maynila ang 30 international cargo vessels para makapagbaba ng kanilang kargamento.
Ayon kay Mary Zapata, pangulo ng truckers group na Aduana Business Club, Inc. (ABCI), nagangahulugan itong hindi pa rin normal ang operasyon sa pier dahil sa mahabang pilang dinaranas dito.
“Ang nakapila ho nating barko kahapon (Huwebes, Oktubre 9) ay 30 pa.”
Aniya, ilan sa mga barkong stranded ay Setyembre pa nasa Manila Bay ngunit hanggang ngayo’y hindi pa nadidiskarga.
Kwento niya, may dalawang container ng ubas ang halos isang buwan nang nasa breakwater kaya nang mabuksan, bulok na ang lahat ng laman nito.
“Kahit sinasabi nila na normal at nakakalabas na pero nabinbin ‘yan diyan sa laot,” pahayag niya.
Habang sabi ni Ray Soliman, ikalawang pangulo ng ABCI, may apat na barkong nakapila sa Port of Manila habang tatlo ang nasa breakwater nito.
Nasa 16 barko ang nasa Manila International Container Port at pito ang nasa breakwater nito.
Ipinagtataka nila ang report ng ilang port authorities kay Senador Bam Aquino, chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, na imbes iulat ang tunay na sitwasyon sa pantalan ay tila pinababango ang kalagayan nito. (HNT)