PARA sa mga Filipino, bagsak ang administrasyong Aquino sa trabaho para kontrolin ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at para maibsan ang kahirapan at pagtataas sa sweldo ng mga manggagawa.
Ito ang lumabas sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na isinagawa noong Setyembre 8 hanggang 15.
Para sa karamihan ng mga Filipino, inflation (50%) ang nangungunang problemang dapat aksyonan ng pamahalaan. Ngunit sa trabaho ng administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, binigyan lang nila ng -24 net approval rating.
Habang sa kampanya ng administrasyon para maibsan ang kahirapan, binigyan ng -13 net approval rating at sa pagsisikap na mapataas ang sahod, -8 ang marka.
Pinakamataas nang net approval rating ng Aquino administration ang +35 para sa kampanya laban sa kriminalidad.
Sa isyu ng korupsiyon sa gobyerno, bagama’t +17 lamang ang net approval rating ng administrasyon, 48% o halos lima sa bawat 10 Filipino ang naniniwalang mawawakasan din ito.