NABULGAR sa Senado na may apat na mansyon at 350-ektaryang mamahaling hacienda si Vice President Jejomar na ipinangalan niya sa kanyang ‘dummies’ at hindi idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) para maitago sa publiko.
Ang pagbubulgar ay isinagawa ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na siya rin nagdiin kay Binay kaugnay sa pagtanggap ng milyon-milyong komisyon mula sa P2.7-bilyong Makati Parking Building at iba pang nilutong proyekto ng City Hall.
Sa kanyang testimonya sa Senate Blue Ribbon Sub-Committee, sinabi ni Mercado na si Binay ang tunay na may-ari ng Agrifortuna Inc., ang kompanya na nagmamay-ari ng 350-ektaryang agricultural estate sa Barangay Maligaya, Rosario, Batangas.
Nasa loob ng hacienda ang isang air-conditioned na babuyan (piggery), orchid farm, aviary, cock farm at kabayong pangarera (horse farm).
Matatagpuan din sa loob ng hacienda ang isang mansyon, dalawang man-made lagoon, at swimming pool.
Magkakasya sa nasabing lupain ang anim na Rizal Park sa Maynila (58-ektarya) at 14 na Quezon Memorial Circle (25-ektarya). Kasukat din nito ang kalahati ng siyudad ng San Juan.
Batay sa mga dokumento na nakuha ni Mercado sa Securities and Exchange Commission (SEC), kabilang sa shareholders ng Agrifortuna Inc.. si Gerardo Limlingan na matagal nang kaibigan ni Binay at si Tomas Lopez na presidente ng University of Makati.
Nauna nang ibinunyag ni Mercado sa Senado na si Limlingan ang ‘bagman’ na tagatanggap ni Binay ng milyon-milyong komisyon mula sa mga kontratista na nakakakuha ng tong-pats sa mga nilutong proyekto ng Makati City Hall kabilang ang kontrobersyal na Parking Building.
Kabilang din umano si Limlingan sa ‘dummies’ ni Binay sa Meriras Realty and Development Corp., ang kompanya na nagmamay-ari ng 8,877 square meters na lupa sa Makati.
Ang nasabing lupain ay nagkakahalaga ng mahigit P1 bilyon ay hindi rin nakadeklara sa SALN ni Binay.
Ayon kay Mercado, ang nasabing lupain ay dating pag-aari ng gobyerno at pinamamahalaan ng 525th Army Engineering Batallion. Nalipat umano ang titulo ng lupa sa New Meriras Development Corp., noong unang bahagi ng taong 2000 matapos sumailalim sa public lease ang nasabing lupain.
Imbes gamitin para sa mahihirap, sinabi ni Mercado na inilipat ang titulo ng lupa pabor sa New Meriras Development Corp., na pinatatakbo ni Vice President Binay gamit ang kanyang ‘dummies’ na pinamumunuan ni Erlinda Chong at Gerardo Limlingan.
Sa testimonya niya kahapon sa Senate Blue Ribbon Sub-Committee, sinabi ni Mercado na si Vice President Binay at ang kanyang asawang si Dr. Elenita Binay ang nagtayo ng kompanyang Agrifortuna Inc., noong 1994.
Nakasaad sa dokumentong nakuha ni Mercado sa SEC na kabilang sa mga shareholders ng mga Binay sa Agrifortuna Inc., sina Ruben Balane, Victor Gelia at Nestor Alampay, Jr.
Nakapagtataka naman na noong taong 2008, biglang nawala sa listahan ng shareholders ang mag-asawang Binay.
Ang mga bagong shareholders ng Agrifortuna Inc., bukod kina Limlingan at Lopez, ay sina Laureano Gregorio, Jr., Mindanila Barlis at Mitzi Sedillo.
Matatagpuan umano ang kompanya sa ikapitong palapag ng Alpap 1 Building sa Alfaro Street, Salcedo Village, Makati.
Sa nakaraang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee, lumutang din ang isa sa ‘dummies’ ng Pangalawang Pangulo, si Jose Orillaza, na umaming kasosyo niya si Binay sa Omni Security Investigation and General Services na may monopolyo sa pagsusuplay ng mga guwardya at janitors sa Makati City Hall at iba pang pribadong kompanya sa siyudad.
Ayon kay Orillaza, tinanggal siya ni Vice President Binay sa nasabing kompanya pati ang ilang miyembro ng Board of Directors matapos manalo sa 2010 Vice Presidential Election.
Ipinalit umano sa kanila ang grupo ni Erlinda Chong kasama sina Hirene Lopez, asawa ni Tommy Lopez na presidente ng Univesity of Makati (UMAK) at Board of Trustees ng PAG-IBIG, gayondin ang asawa ni Limlingan na si Marguerite Lichnock.
Nang siya pa ang presidente ng nasabing kompanya, sinabi ni Orillaza na hindi siya puwedeng pumirma ng tseke kung hindi rin pipirma si Gerardo Limlingan.
Inamin ni Orillaza na dummy lamang siya ni Vice President Binay at pumayag siya sa modus operandi kapalit ng suweldong P50,000 hanggang P70,000 buwan-buwan.
“Pumayag akong maging dummy ni Vice President Binay dahil kung hindi ko siya isasama sa kompanya, hindi kami makasisingil sa Makati City Hall,” paliwanag pa niya.
HATAW News Team
JURISDICTIONAL CHALLENGE NI JUNJUN IBINASURA
IBINASURA ng Senate Blue Ribbon subcommittee ang jurisdictional challenges ni Makati Mayor Junjun Binay at apat na iba pa sa simula ng ika-walong pagdinig sa Makati City Hall Building II kahapom.
Paliwanag ni sub-committee chair Senator Koko Pimentel, base sa Senate Rules of Procedure, isang challenge lang na iisa ang layunin ang pahihintulutan.
May hiwalay na inihaing jurisdictional challenge sina Mayor Binay, Ms. Ebeng Baloloy, Atty. Pio Kenneth Dasal (Makati City legal officer), Marjorie De Veyra (dating City Administrator) at Prof. Tomas Lopez (pangulo ng University of Makati at miyembro ng PAG-IBIG Board of Trustees) kay Senate Blue Ribbon Chair Teofisto Guingona III na ipinaresolba niya sa sub-committee.
“So on this ground alone the jurisdictional challenges may already be properly denied.”
Hindi na ikinonsidera ang inihain nina Dasal at De Veyra dahil “they merely join the jurisdictional challenge” ni Mayor Binay.
Gayunman, sinubukan nila ang legalidad ng jurisdictional challenge base sa Section 21, Article 6 ng 1987 Constitution na nagbibigay ng kapangyarihan sa Blue Ribbon committee na mag-imbestiga sa Senate Resolution No. 826 na inihain ni Senator Antonio Trillanes IV.
Kinukwestiyon ni Pimentel ang pagpunta ni Mayor Binay sa kauna-unahang pagdinig noong Agosto 20, 2014 kaugnay sa inihaing reklamo dahil “a jurisdictional challenge must raise and [be] resolve(d) before proceeding with the inquiry”.
Giit niya, sa tatlo pang sumunod na pagdinig ay inihayag ng alkalde na pinayagan niya ang ilang opisyal ng Makati na dumalo noong Agosto 25, Setyembre 4 at 11, ngunit hindi sila nagbigay ng jurisdictional challenge kontra sa pagdinig.
(CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)