MAS mababa sa inaasahan ng grupo ng Filipino workers sa Hong Kong ang ipinatupad na umento sa kanilang sahod.
Nagpatupad ang Hong Kong SAR government ng 2.5 porsyentong pagtaas o HK$100 sa minimum allowable wage (MAW) ng mga foreign domestic worker.
Ibig sabihin nito, mula HK$4,010, aakyat na ang MAW ng mga DH sa HK$4,110 kada buwan.
Ayon kay Dolores Balladres-Pelaez, chairperson ng United Filipinos In Hong Kong, malungkot sila dahil dapat sana’y umabot sa HK$4,500 ang ginawang taas-sahod kada buwan.
“Kasi ang taas ng mga bilihin dito. Isa kasi sa pinakamababang sahod na tinatanggap ‘yung mga domestic worker,” pahayag ni Pelaez.
“‘Yung current na sahod namin hindi na talaga nagkakasya sa basic needs.”
Bukod aniya sa personal na pangangailangan, nagpapadala pa sila sa mga kaanak sa Filipinas.
Binanggit niyang tatlong taon na nilang ipinipetisyon na gawing HK$4,500 ang pasahod.