WORLD TEACHERS’ DAY. Sumugod sa Mendiola ang mga guro bilang maagang paggunita sa World Teachers’ Day sa Oktubre 5, bitbit ang mga plakard upang igiit ang pagsasabatas ng House Bill 245, naglalayong itaas ang sahod ng mga guro. Hiniling din nila sa nasabing protesta ang pagbaba sa buwis at pagbasura sa K to 12 education program. (BONG SON)
SUPORTADO ng Department of Education DepED) ang panukalang batas na naglalayong taasan ang salary grade ng mga pampublikong guro sa bansa.
Ayon kay Senador Edgardo Angara, isa sa naghain ng panukalang batas, nais niyang mula salary grade 11 ay maging 18 ang public teachers na aabot ang sweldong matatanggap sa P33, 000.
Kaugnay nito, sinabi ni Benjamine Valbuena ng Alliance of Concerned Teachers, hindi dapat sisihin ang mga guro kung sila ay kumakapit sa patalim dahil maliit lamang natatanggap nilang sahod na hindi sapat sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Tinukoy ng grupo ang tatlong guro na binaril at napatay nang singilin sa inutang nilang pera, at ang pagkabaon sa iba’t ibang loan ng mga guro.
Samantala, umaasa si DepED Secretary Armin Luistro na maipatutupad ang panukalang dagdag sahod para sa mga guro sa 2016.
Tulad ni Angara aminado rin si Luistro na ang isa mga dahilan ng pangingibang-bansa ng magagaling na guro ay dahil sa maliit na sweldo.
(NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)