PINAGPAPALIWANAG ni Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, si PNP chief, Director Geneneral Alan Purisima hinggil sa kontrobersiyal na ‘White House’ sa Camp Crame at sa kanyang bahay sa Nueva Ecija, sa ginawang pagdinig sa Senado kahapon. (JERRY SABINO)
HUMARAP si PNP chief Director General Alan Purisima sa pagdinig ng Senado kaugnay ng PNP modernization sa harap ng mga isyung ipinupukol laban sa kanya.
Sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe, tahasang sinabi ni Purisima na pawang paninira lamang ang mga akusasyon laban sa kanya na nagkaroon siya ng kwestyonableng yaman.
Nakalulungkot aniya na kung kailan pa nagpursige ang kanyang liderato laban sa kurupsyon at katiwalian sa kanilang hanay ay siya ang binuweltahan at kinaladkad sa kontrobersiya.
Aniya, naniniwala siyang may kinalaman ang mga isyu na ipinupukol sa kanya sa ipinatupad na reporma sa PNP partikular sa Firearms and Explosive Department lalo na nang higpitan ang pag-isyu ng lisensya sa mga nagnanais ng baril.
Ikinalulungkot din ng PNP chief na pati ang kanyang ipinundar na ari-arian sa marangal na paraan ay inuungkat na ng kanyang mga kritiko.
Bagama’t ayon kay Purisima hindi na niya ikinagulat ang mga isyu na ipinupukol sa pamunuan ng PNP.
Kasabay nito ay humingi ng paumanhin ang opisyal sa komite makaraan bigong makadalo sa nakalipas na mga pagdinig.
(CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)
LUPA’T BAHAY SA NUEVA ECIJA
AMINADO si PNP Chief Alan Purisima na pag-aari niya ang malaking bahay at lupa sa San Leonardo, Nueva Ecija.
Sa paghihimay ni Sen. Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Order and Safety, inamin ni Purisima na nabili niya noong 1998 ang 4.7 ektaryang lupain sa halagang P150,000 at inumpisahang ipatayo ang bahay noong 2002.
At gaya ng nakalagay sa kanyang statement of assets, liabilities and networth (SALN), binanggit niya na P3.7 milyon ang market value ng nasabing lupain kasama ang 204 metro kwadradong bahay habang P1.7 milyon ang assessor’s value nito.
Mayroon din aniya siyang dalawang mamahaling sasakyan, isang Alphard na nagkakahalaga ng P3.2 milyon na hanggang ngayo’y hinuhulugan pa niya sa banko, at isang Prado na nabili lang niya sa P1.5 milyon dahil sa malaking diskwentong ibinigay sa kaniya.
Duda rito si Poe sa pagsasabing napakalaki ng diskwento sa orihinal na presyo ng Prado na P4-M.
Dahil din sa mga ari-ariang ito, binusisi ni Poe ang buwanang kita ni Purisima.
Lumitaw na aabot sa P107,000 ang buwanang kita ng PNP chief habang may kita rin ang misis niya bilang treasury examiner ng isang insurance company ng Armed Forces of the Philippines.
Inusisa rin ang kita ng trucking business ng pamilya at nagboluntaryo ang opisyal na isusumite niya sa Senado ang kita nito.
Iminungkahi ni Poe kay Purisima na ipa-reassess ang kanyang ari-arian sa Nueva Ecija dahil tila may malaking pagkakaiba sa aktwal na halaga nito ngayon.
Ang SALN ng PNP chief ang pinagbatayan ng kasong graft at plunder na isinampa laban sa kanya.
(CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)
SINABON NI SEN. POE
PINATIKIM nang matinding sermon ni Senate committee on public order and dangerous drugs Sen. Grace Poe si PNP chief, Dir. Gen. Alan Purisma sa pagdinig sa Senado kahapon.
Makaraan ang pagdinig, inamin ng senadora na hindi siya kombinsido sa mga deklarasyon ni Purisma na halatang umiiwas.
Lalo na sa usapin ng kanyang mansiyon sa Nueva Ecija at renovation ng “White House” sa Camp Crame.
Tinawag pa ng senadora na namimilisopo si Purisma na hindi dapat payagan.
Habang ang pagbibigay ng grado ni Poe na “4 out of 10” ay nang matanong niya nang diretsahan ang PNP chief kung ano ang grado niya sa kanyang sarili.
Sagot ni Purisima ay “9.”
Hindi na inulit ng senadora ang kanyang naunang panawagan na dapat mag-leave muna ang pinuno ng PNP dahil sa patong-patong na kasong nakabinbin sa Ombudsman.
Aniya, ipinauubaya niya ito sa Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III. (NIÑO ACLAN/
CYNTHIA MARTIN)