HUGAS-KAMAY ang Palasyo sa nalathalang bayad na anunsiyo sa mga pangunahing pahayagan na humihiling kay Pangulong Benigno Aquino III na ikonsidera ang pagtakbong muli sa 2016 presidential elections.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., walang kinalaman ang Malacanang sa paid ads dahil nagsalita na ang Pangulo sa isyu ng term extension.
Ang isinaalang-alang aniya ng Pangulo ay kung sino ang karapat-dapat na magpatuloy sa nasimulang mga reporma ng kanyang administrasyon para mapanatili ang pagbabago sa sistema ng gobyerno.
Sa nasabing paid ads, hiniling ng Movement for Reform, Continuity and Momentum (MORE2COME) na ikonsidera ng Pangulo ang kanyang muling pagtakbo sa 2016 at nangangalap sila ng walong milyong lagda sa kanilang signature campaign para mahikayat ang Pangulo na palawigin pa ang kanyang termino.
Ilang beses na sinubukang tawagan ng mga mamamahayag ang contact number ng grupo na nakalagay sa anunsiyo na 09151722537 ngunit hindi sila makontak dahil kinakansela ang tawag.
(ROSE NOVENARIO)