HIHILINGIN na ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang isang joint resolution sa Kongreso na magbibigay sa kanya ng special powers para maresolba ang power crisis sa 2015.
Una rito, inirekomenda ni Department of Energy (DoE) Sec. Jericho Petilla ang emergency powers para kay Pangulong Aquino dahil sa minimum power deficiency na 300 megawatts sa susunod na taon.
Sinabi ni Pangulong Aquino, layon nitong mabigyan ng kapangyarihan ang national government na makapag-produce ng karagadagang 300-megawatt load capacity at standby na 300 megawatts.
Ayon kay Pangulong Aquino, hindi pwedeng maantala ang business operations at trabaho ng gobyerno dahil sa nasabing power shortage.
Nilinaw ng Pangulong Aquino, hindi ito nangangahulugan ng takeover sa mga planta ng koryente kundi standby power o authority lamang para sa power generation.
(ROSE NOVENARIO)