Thursday , December 26 2024

Kontratista ni Binay isalang sa BIR

091114_FRONT

HINILING kahapon ng mga residente ng Makati sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na imbestigahan ang paboritong kontratista ni Vice President Jejomar Binay kaugnay sa mga tong-pats na kinita sa bilyon-bilyong halaga ng proyekto sa kanilang siyudad.

Sinabi ng mga miyembro ng United Makati Against Corruption (UMAC) na obligadong busisiin ng BIR ang mga dokumentong isinusumite sa kanila ng Hillmarc’s Construction Corp., para malaman kung nagbabayad ng tamang buwis mula sa mga tong-pats sa Makati.

Inilahad ng UMAC ang kanilang kahilingan sa sulat na ipinaabot sa opisina ni BIR Commissioner Kim Henares habang nagrarali ang mga miyembro ng grupo sa main office ng BIR sa Quezon City.

Pirmado ang nasabing sulat nina Atty. Renato Bondal, convenor ng UMAC at isa sa mga residente ng Makati na nagsampa ng kasong plunder sa Ombudsman laban kay Vice President Binay, Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay at ibang opisyales ng Makati kaugnay ng overpricing sa Makati Parking Building.

“Malinaw sa imbestigasyon ng Senado na pinatungan nang malaking halaga ang kontrata sa Makati Parking Building at inamin mismo ni Mayor Junjun Binay na posibleng may overpricing na nangyari,” sabi ni Jasper Cuayzon ng UMAC-Youth.

“Kailangan malaman ng BIR kung idineklara ng Hillmarc’s ang tongpats sa kanilang tubo at kung nagbayad sila ng kaukulang buwis,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Cuayzon na kung hindi napunta sa Hillmarc’s ang tongpats sa Makati Parking Building, magkakaroon ng kompirmasyon ang sinabi ng mga testigo sa Senado na napunta kay Vice President ang tongpats sa nasabing proyekto.

Sa mga nakaraang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee, inamin ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na kumita si VP Binay ng malaking halaga mula sa tong-pats ng kontrobersiyal na Makati Parking Building.

“Kung ang Vice Mayor ay nakinabang, lalo na po ang Mayor. Imposibleng hindi nakinabang ang Mayor. Iyan po ang kalakaran sa Makati,” paliwanag ni Mercado.

Sinabi ni Mercado na nagulat siya nang malaman niya mula sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na umabot na sa P2.7-billion ang pondong inilaan ng Makati City Government para sa pagpapatayo ng Parking Building.

Sa kanyang pagkakaalam, ani Mercado, hindi lalampas sa P1.2-billion ang pondong gugugulin para matapos ang pagpapatayo ng Parking Building.

Inamin naman ni Engr. Mario Hechanova, dati rin opisyal ng Makati, na hindi lamang ang kontrobersyal na Makati Parking Building ang niluto sa bidding para pagkakitaan ng tongpats, kundi lahat ng proyekto sa Makati kasama na ang birthday cake para sa mga senior citizens.

Ayon kay Hechanova, lahat ng proyektong ipinapa-bid ng Makati City Government ay ibinibigay sa mga piling kontraktor batay sa personal na desisyon ni Vice President Binay at hindi ayon sa itinatakda ng batas.

Inamin din ni Hechanova na tumatanggap siya ng P200,000 allowance bawat buwan mula kay VP Binay para lutuin lamang ang bidding ng mga proyekto ng Makati City Hall pabor sa mga kontratista ng Bise Presidente.

Nagsilbi si Hechanova nang 19 taon bilang opisyal ng Makati, mula noong siya ay General Services Officer hanggang ma-appoint na Vice Chairman ng Bid and Awards Committee.

Inamin ni Hechanova na may personal siyang kaalaman sa nangyaring anomalya nang ibigay ang kontrata ng Makati Parking Building sa Hilmarc’s Construction Corporation.

Bukod sa Makati Parking Building, ang nasabing kontratista rin ang gumawa ng iba pang proyektong nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso tulad ng Makati City Hall, Ospital ng Makati at Makati Science High School.

Sinabi ni Hechanova na bago umpisahan ang bidding sa Makati Parking Building, ipinatawag siya ni dating Makati City Engineer Nelson Morales para siguruhin na mapupunta ang kontrata sa Hilmarc’s Construction Corporation.

“Ipinatawag ako ni City Engineer Morales at sinabihan ako kung sino ang dapat na manalo sa proyektong ito. Niluto po namin ang bidding dito,” pag-amin pa ng enhinyero.

Ipinaliwanag ni Hechanova sigurado siyang ang utos ni Morales ay nanggaling kay VP Binay dahil ang City Engineer ay kilalang alter-ego ng Bise Presidente.

“Sigurado ako na utos ni Mayor (Jojo Binay) iyon dahil matagal nang kasama ni VP Binay ang City Engineer at trusted po niya iyan. Hindi gagawa ng kalokohan iyan na hindi alam ni VP Binay,” paliwanag ni Hechanova.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

Robin Padilla Cannabis Marijuana

Robin iginiit benepisyong medikal na makukuha sa cannabis

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio MASIGASIG si Sen. Robin Padilla sa pagsusulong ng medical cannabis dahil naniniwala …

Zamboanga del Norte

Supplemental budget nakabinbin
OPS NG PROV’L AT DISTRICT HOSPITALS, IBANG PAGAWAING BAYAN SA ZAMBO DEL NORTE POSIBLENG MATIGIL — GOV. NENE

ITO ang malalim na laman ng pahayag ni Governor Jalosjos sa media makaraang sumulat sa …

SMC Toll Fee

Bilang pasasalamat sa mga motorista
BAYARIN SA EXPRESSWAY KAKANSELAHIN NG SMC SA BISPERAS NG PASKO AT BAGONG TAON

NAKATAKDANG kanselahin ng Conglomerate San Miguel Corporation (SMC) ang mga bayarin para sa expressway network …

SM Krus na Ligas 1

Promoting wellness and enhancing healthcare delivery
SM Foundation upgrades vital Quezon City community health center

Refurbished by SM Foundation, Krus Na Ligas Health Center caters to over 73,000 residents of …

Manila Honey Lacuna Yul Servo Nieto

Mayor Honey, VM Yul, Asenso Manileño Team namahagi ng Christmas gift boxes para sa Senior Citizens ng Maynila

NAMAHAGI ng Christmas gift boxes sina Mayor Honey Lacuna – Pangan, Vice Mayor Yul Servo …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *