“MAGKAIBA na ba ang karapatan ng Filipino na narito sa Filipinas at ang mga kababayan nating nasa ibayong dagat?”
May panggagalaiting itinanong ito ng dating mambabatas at Chairman ng Bayan Mamamayan Abante Movement na si Benny M. Abante matapos ang sesyon ng Appropriations Committee ng Kamara noong isang linggo sa isang panayam matapos aminin ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na tinanggal ng Department of Budget and Management sa panukalang 2015 National Budget ang inilaan nilang pondo para sa pagpapatala ng mga bagong overseas absentee voters sa ibang bansa.
“Sa huli kong pagkakaalam, tanging Kongreso lamang ang maaaring gumawa ng batas. Pero heto na naman ang isang Departamento Ehekutibo, muli na namang iniikutan ang mga itinatadhana ng Konstitusyon. Una ang DAP, ngayon ang Overseas Absentee Voters Act of 2003 ang nais amyendahan,” patutsada ni Abante patungkol sa mga ‘kwestyonableng’ ikinikilos ng DBM.
Hindi kukulangin sa P89 milyon ang kinakailangang pondo upang makapagparehistro at makaboto ang mga OFW sa ilalim ng Overseas Absentee Voting Act of 2003.
Ayon sa Comelec, kasama ang budget sa OAV at online registration sa orihinal nilang panukala na isinumite sa DBM ngunit tinanggal ito sa ng nasabing ahensya sa 2015 National Expenditure Program – ang panukalang batas tungkol sa taunang budget ng gobyerno sa susunod na taon.
Pantay umano ang pagtingin ng batas sa karapatan ng bawat Filipino, narito man o nasa ibayong dagat, ayon sa dating mambabatas at iginiit na kasama sa mga karapatang binanggit ang karapatang bumoto.
“Mahigit P1 trilyon ang remittance ng OFWs taon-taon ngunit isinasantabi ang kanilang kontribusyon sa bansa. Patunay lamang ito sa kawalan ng pagpapahalaga ng administrasyong ito sa mga kababayan nating patuloy na nagpapalutang ng ekonomiya ng bansa,” paliwanag ni Abante.
Hihingin din umano ng dating kinatawan ng Maynila ang suporta ni Vice President Jejomar Binay na siyang kasalukuyang Presidential Adviser on OFW Concerns sa isyung ito. Tinutukoy ni Abante ang “dagdag na tulak ng mga kasapi ng Pangalawang Pangulo sa Kongreso” upang maibalik sa orihinal na halaga ang budget ng Comelec para sa susunod na taon.
Batay sa opisyal na tala ng gobyerno, nasa 737,759 ang mga rehistradong overseas voters sa buong mundo.
HATAW News Team