DAGUPAN CITY – Onsehan sa remittance ng pautang sa five-six (5-6) ang motibo sa walang habas na pamamaril at pagwawala ng isang pulis na ikinamatay ng apat katao sa loob ng Pangasinan National High School sa bayan ng Lingayen, Pangasinan kamakalawa.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, uminit ang ulo ni PO3 Domino Alipio, ng Anda Police Station, nang mabatid na hindi ibinibigay ng kolektor na si Jonalito Urayan ang koleksiyon niya ng pera mula sa mga gurong pinautang sa 5-6.
Nag-ugat ang pagwawala ng suspek nang mabatid na niloko siya ng kolektor at kasamahang ahente na isa rin guro na si Florenda Flores, nang sabihin ng mga gurong sila ay nakababayad ng kanilang utang.
Agad namatay sa pamamaril ng suspek sina Urayan at Flores gayon din ang dalawa pang gurong nadamay lamang na sina Acidello Sison at Linda Sison.
Habang nasugatan sina Juliet Molano, Ferdinand Entimano, Jovito Jimenez.
Samantala, hindi pa matiyak ng principal ng paaralan na si Mr. Florante Tamondong, kung hanggang kailan magtatagal ang suspensiyon ng klase dahil masyadong marahas ang pangyayari sa loob ng paaralan na ikinatakot ng kanilang mga guro at estudyante.