Sa kuwento ni Jobert, pinakahuling nagkaroon ng interpreter sa 15 entries ng Philpop ang Pare Mahal Mo Raw Ako. “’Yung 14 entries, may interpreters na, siya (direk Joven) na lang ang wala. Hanggang sa pinaka-last day na si Ma’am Charo yata nagpa-present na for the last time.
“Tatlong artists ang inilatag including Michael, hindi ko na papangalanan ‘yung dalawa kasi unfair naman dahil magagaling din sila.
“Sabi ni Ma’am Charo, hinawakan niya ‘yung album ni Michael and sabi niya, ‘heto, gusto ko ‘tong batang ito, may mukha ito at maganda ang boses, i-try n’yo nga, ipahanap n’yo,” ani Jobert.
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Joven na si Piolo Pascual ang gusto sana niyang kumanta ng kanyang awitin. Ito raw ang naisip niya matapos niyang gawin ang kanta.
“Tinanong kasi ni Ma’am Malou (Santos) sa akin kung sino gusto kong mag-interpret. Itinuro ko ‘yung picture ni Piolo. Sabi ko, siya sana pero alam kong imposible. Actually, ang dami na talagang tumanggi na kantahin itong kanta. Maraming artists na takot sila na kantahin ang song na ito dahil baka may marinig sila na. . . baka isipin na ganoon sila or what.
“Pero in fairness kay Michael, nang sinabi sa kanya ‘yung song, wala siyang kaano-ano. Sabi niya, ‘sige, kantahin po natin’,” ani direk Joven.
“Noong sinabi sa akin na mayroon silang gustong ipakanta sa akin, ‘yung ito na nga, ipinatawag nila ako sa office ng Star Recors. Ipinarinig nila sa akin ang kanta. They gave me an idea tungkol sa song. Paulit-ulit kong pinakinggan ang song and eventually nagustuhan ko ang lyrics and melody.
“Kasi nga, makatotohanan naman talaga. Hindi ko na inisip ‘yung sinasabi nilang maaaring maiwang stigma nito sa akin after kong kantahin ang song. Secured naman ako sa sexuality ko kaya hindi issue sa akin iyon.
“Ang ganda ng song kaya para pakawalan ko. First time kasing may ganitong kanta na seryoso ang dating, hindi novelty kaya sabi nila, isang sugal daw ito on my part. Oks lang iyon. Ang mahalaga ay naisip nila ako to interpret. Kasama ako sa napagpilian. Ibig sabihin, may tiwala sila sa akin. And the fact na official entry ito for ‘Himig Handog P-Pop Love Songs’, isang malaking karangalan on my part na makasali sa ganito kalaking music event,” giit naman ni Michael.
Medyo may pagkakontrobersiyal ang kanta dahil tungkol ito sa isang dalawang lalaki na matalik na magkaibigan. It turned out na gay pala ang isa at mahal niya ang kanyang best friend.
Sa totoo lang, sa ganda ng melody at lyrics ng kanta, gayundin ang pagkakakanta ni Michael hindi mo mapapansin na may meaning ang awiting ito. At naibalita rin sa amin ni Jobert na super ganda ng MTV ng Pare, Mahal Mo Raw Ako. Cute raw ang pagkakagawa nito at nakaiiyak. Kaya bigla kaming naintriga at gusto na naming mapanood.
Anyway, ang Grand Finals ng Himig Handog ay gaganapin na on Sept. 28 sa Araneta Coliseum. Pero bago ito, halina’t pakinggan muna si Michael sa kanyang concert ngayong gabi sa Teatrino, Promenade, Greenhils, 9:00 p.m. na may titulong Pare Mahal Mo Raw Ako (The Concert). Makakasama niya rito sina Sam Milby, Prima Diva Billy, Herbert C and Ms. Rochelle Pangilinan.
ni Maricris Valdez Nicasio