KASADO na ang anti-pork, anti-Cha-cha rally na isasagawa ngayong araw ng iba’t ibang militanteng grupo sa Luneta Park na tinaguriang “million people march part 2.”
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares, nakahanda na ang mga tarpaulin, T-shirts at iba pang gagamitin sa rally para sa kanilang pagkilos.
Sa isang Facebook page ng mga organizer sa event, umaabot na sa 19,700 ang naghayag ng interes na dumalo, habang 3,000 ang hindi pa tiyak, bagama’t inaasahan na mas marami ang kusa na lamang pupunta.
Noong nakaraang linggo ay nagsagawa na rin ng noise barrage ang ilan sa kanila sa iba’t ibang panig ng Metro Manila, habang kamakalawa ay nagkaroon ng kickoff ang kanilang people’s initiative laban sa lahat ng anyo ng pork barrel.
RELIGIOUS GROUP, ESTUDYANTE KASALI
MAKIKILAHOK ang ilang grupo ng mga relihiyoso at mga mag-aaral ng isang Catholic schools sa nakatakdang kilos-protesta ngayong araw laban sa pork barrel system.
Ayon sa Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP), sasama ang mga miyembro ng kanilang organisasyon sa protesta laban sa korapsyon.
“Truly, a government that is committed to a ‘tuwid na daan’ cannot co-exist with a system that is based on patronage and corruption,” pahayag ng AMRSP na inilathala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines news site.
Bukod sa panawagang pagtigil sa korapsyon, humihiling din ang AMRSP nang patas at mabilisang imbestigasyon sa lahat ng mga nasasangkot sa kontrobresiya hinggil sa Priority Development Assistance Fund at Disbursement Acceleration Program, kahit iyong may kaugnayan sa gobyerno.