MAGBUBUKAS ng oportunidad ang pamahalaan para sa mga guro at iba pang propesyonal na namamasukan bilang household helper sa abroad.
Sa tala ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), 160,000 domestic workers ang natanggap sa pagtatrabaho sa ibang bansa nito lamang 2013. Nangungunang destinasyon ang Saudi Arabia, Hong Kong, Singapore at United Arab Emirates (UAE).
Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Director Nicon Fameronag, sinisikap ng pamahalaan na maialis sa pagiging household worker ang mga Pinoy, katulad ng mga guro.
“Kukuha sila ng exam at ang tangi lamang kondisyon ng DepEd is that kung tatlo o hanggang limang taon silang hindi na nakapagtuturo, magte-take lang sila ng refresher course,” ani Fameronag.
Prioridad ng Department of Education (DepEd) ang mga nasabing guro para sa 39,000 gurong kailangan sa susunod na taon dahil sa K-12 program.
Natukoy na ng POEA at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga trabaho sa Pilipinas na maaaring balikan ng mga domestic helper.
“Ilalatag ‘yung mga training options sa ating mga domestic workers at doon pipili sila,” dagdag ni POEA Administrator Hans Cacdac.
Una itong gagawin sa Hong Kong at susunod sa UAE.
Sa Martes, posible nang lagdaan ni DOLE Secretary Rosalinda Baldoz ang mga guideline para sa “career pathing” na ito.
Hindi lamang mga guro ang target ng DOLE na bigyan ng trabaho sa Pilipinas kundi ang iba pang propesyonal na nagtatrabahong domestic helpers.
“Pupunta ang TESDA, ipo-profile ang mga household service worker kung ano ‘yung kanilang educational attainment, skills,” paliwanag ni Fameronag.
Oras na dumaan sa competency assessment, isasalang sa training ang mga Pinoy. Hindi na rin kailangan pang lumiban ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa trabaho lalo’t itatapat sa kanilang day-off ang pagsasanay.
Kahit aminadong malaki ang agwat ng sahod sa abroad kompara sa Pilipinas, kombinsido ang DOLE na pipiliin pa rin ng mga household helper na bumalik sa bansa para magtrabaho.
“Sumusweldo ka ng P30,000 sa abroad tapos ang sweldo mo rito sa Pilipinas ay P15,000. I-assign mo ‘yung P15,000 na balanse sa pagiging kapiling ng iyong anak, magagabayan mo ang paglaki, kasama mo ang asawa mo tapos nandito ka sa bansa. ‘Yung money equivalent nun, sapat na.”
Ayon kay Fameronag, gumugulong na rin ang negosasyon ng Pilipinas sa mga bansang pinupuntahan ng domestic helpers para matiyak ang kaligtasan ng mga ito.
(BETH JULIAN)